ANG PARTIDO LAKAS NG MASA (PLM)
Ang Partido Lakas ng Masa (PLM) ay isang bagong tayong partido pulitikal ng masang Pilipino na naghahangad na makapanaig laban sa mga bilyunaryo at elitistang partido sa pagpapatakbo ng gobyerno.
Naniniwala ang PLM na isa sa mayor na dahilan kung bakit naghihirap at api ang malaking mayorya ng mamamayang Pilipino ay sapagkat kontrolado ng partido ng iilang mayayaman ang pagpapatakbo at pagdedesisyon sa buhay at pulitika ng buong sambayanan.
Kaya’t kapakanan ng mga kapitalista at ng mga kasapi ng elitistang partido ang pinapangalagaan sa tuwing sila ay gagawa ng batas at patakaran, hindi ang kabuhayan at kapakanan ng masang Pilipino. Sa pamamagitan ng mga batas, nagiging ligal ang pang-aapi at pagkakamal ng yaman ng iilan. Sa kabilang banda nagiging ligal din ang kaapihan at pagdarahop ng masa ng sambayan.
Ligal ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis dahil may ipinasang batas na nagbigay ng buong laya sa kapitalista na itaas ang presyo nito sa kung ano mang halaga at gaano man kadalas nilang naisin. Ito ay ang OIL Deregulation Law.
Mataas ang presyo ng iba pang bilihin dahil bukod sa binigyan ng buong laya ang mga kapitalista na itaas ito, nagpatong pa ang gobyerno ng 12% VAT sa halos lahat ng produkto. Ito naman ay ang VAT Law.
Problema naman ng mga manggagawa ang kontraktwalisasyon, mababang sahod at kawalan ng trabaho. Ito naman ay dahil sa HERRERA Law na isinabatas noong panahon ni Cory Aquino.
Mas masahol ang kalagayan ng maralitang tagalungsod na di na nga sila nabigyan ng matinong trabaho ng mga nagpalit-palit na partido, walang-awa pang dinidemolis ang kanilang tahanan dahil naman sa patakarang Decongestion ng Metro Manila at Court Order kaya’t ligal na winawasak ang kanilang tahanan.
Batas naman hinggil sa Property Rights ang nagligalisa na kamkamin ng mga mayayaman ang malawak na lupaing taniman at itaboy ang mga magsasaka sa kanilang lupang sinasaka at kinatatayuan ng kanilang tahanan.
Marami pang mga patakarang isinabatas ang mga elitista at ang kanilang partido mula sa panahon ng Nacionalista Party, LP, KBL, PDP-Laban-UNIDO, PMP ni Erap, Lakas-NUCD, hanggang ngayong sa pagbabalik ng LP ni Noynoy Aquino – na nagbigay ng ligalidad upang payamanin nang payamanin ang iilan at papaghirapin at apihin ang milyong bilang ng masang Pilipino.
Kailangan na ang tunay na pagbabago at ito ay magaganap kung ang partidong nakapwesto sa loob ng gobyerno ay hindi na partido ng mga elitista, kapitalista’t asendero kundi ang Partido Lakas ng Masa (PLM). Ang partido na gagawa ng batas na pantay para sa lahat.
Sa panahong maganap ito, unang aasikasuhin ng Partido Lakas ng Masa ang pagresolba sa laganap na kagutuman at malnutrisyon ng masa. Ang libreng pagpapa-ospital ng lahat at pag-aaral ng mga bata at ang kasiguruhan sa disenteng paninirahan. Maraming pera ang gobyerno, maraming pagkukunan, ang problema, napupunta sa kamay ng iilan.
Isusunod ng PLM ang pag-aalis sa mga mapang-api at mapagpahirap na batas tulad ng VAT, Oil Deregulation Law upang pababain ang presyo ng bilihin at ang pagbubuo ng komprehensibong programa na magtitiyak na protektado ang karapatan at kabuhayan ng masa.
Kaya’t, palawakin ang kasapian ng PLM! Wakasan ang paghahari ng partido ng mga kapitalista’t asendero! Itayo ang gobyerno ng masa ng sambayanan, hindi ng iilan. Sumapi sa PLM!
DUMALO SA PAGTITIPON NG PLM SA
JUNE 26, 2:00PM
SA PEOPLE’S CENTER
SA HARAP NG CAINTA MUNICIPAL HALL.