RH BILL, SUPORTAHAN!
IPASA ANG RH BILL! NGAYON NA!
A. Bakit sinusuportahan ng Partido Lakas ng Masa ang “The Responsible Parenthood, Reproductive Health, and Population and Development Act of 2011 (o Ang Batas sa Responsableng Pagmamagulang, Reproduktibong Kalusugan, at Populasyon at Pag-unlad ng 2011)”
Naninindigan ang Partido Lakas ng Masa sa pagsusulong at pagpapalaganap ng kalusugan ng kababaihan at ng bata at ng reproduktibong kalusugan at karapatan ng kababaihan. Naglalaman ang “The Responsible Parenthood, Reproductive Health, and Population and Development Act of 2011” ng mahahalagang panukalang batas upang isulong ang kalusugan ng kababaihan at ang reproduktibong karapatan. Kapag pumasa ang panukala, makatutulong ito sa mahihirap na kababaihan na palaging nagdusa sa kinahihinatnan ng di-inaasahang pagbubuntis, kamatayan ng ina sa panganganak, nakunan, at di ligtas o mapanganib na aborsyon.
B. Ano ang “The Responsible Parenthood, Reproductive Health, and Population and Development Act of 2011”?
Sa ilalim ng batas na ito:
• Maglalaan ng modernong pamamaraan ng pagpaplano ng pamilya sa lahat ng sinertipikahang pasilidad pangkalusugan (health clinics),
. Para sa maralitang kababaihan, ito'y dapat na libre at sapat na pagsubsidyo ng PhilHealth at tulong pinansyal ng pamahalaan;
• Ang mga suplay at produkto hinggil sa pagpaplano ng pamilya ay isasama sa regular na pagbili ng mga importanteng gamot at kagamitan sa lahat ng ospital;
• Bibigyan ng LGUs ang mga maralitang pamilya ng abot-kayang serbisyo para sa pagpaplano ng pamilya;
• Darami ang bilang ng mga hilot at may kasanayang tagapangalaga upang kamtin ang minimum na rata ng 1 buong oras na tagapangalaga sa panganganak sa bawat 150 isinisilang bawat buwan;
• Pag-upgrade ng emergency obstetric care at pagpapaunlad ng kakayahang maabot ito ng mga maralita,
• Pagpapaunlad ng mobile na serbisyo para sa kalusugan at pagkakaloob sa bawat distritong konggresyonal ng kahit isang Mobile Health Care Service van;
• Ang reproduktibong karapatan at edukasyong seks, kasama ang mga paksa hinggil sa kasarian at responsableng pakikipagrelasyon at pagmamagulang, ay ituturo sa mga paaralan ng mga gurong may kasanayan sa pamamagitan ng angkop na kurikula, mula Baitang 5 sa elementarya hanggang ika-4 na Taon ng high school;
• Dapat igalang ng mga employer ang mga karapatang reproduktibo ng mga nagtatrabaho at maglaan ng bayad na kalahating araw sa pre-natal at medikal na pagliban sa bawat buwan ng pagbubuntis ng manggagawang kababaihan;
• Ang karapatan sa impormasyon ng bawat indibidwal hinggil sa pagkakaroon ng serbisyo sa reproduktibong karapatan, kasama ang pagpaplano ng pamilya at pangangalaga bago panganak, ay dapat magarantiyahan ng pamahalaan.
• Mas higit na pamumuhunan at pagbibigay ng prayoridad sa pagpaplano ng pamilya at mga serbisyo sa reproduktibong kalusugan sa pamamagitan ng programang laban sa kahirapan.
C. Masasagip ng batas ang buhay ng maralitang kababaihan at mga bata.
Kapag naipasa ang batas at naipatupad, makakasagip ito ng maraming buhay. Kapag gumamit ng modernong pamamaraang kontraseptibo ang lahat ng kababaihan, ito'y makatutulong:
• Mabawasan ang maternal na pagkamatay ng 2,100 kada taon;
. Mabawasan ng 800,000 ang di-planadong pagbubuntis;
. Mabawasan ng 500,000 sapilitang aborsyon;
. Mabawasan ng 200,000 ang makukunan.
Ito ang dahilan kung bakit sinusuportahan ng Partido Lakas ng Masa ang “The Responsible Parenthood, Reproductive Health, and Population and Development Act of 2011”. Nananawagan kami sa aming mga kasapian na sumama sa kampanya upang suportahan ang Panukalang Batas, mag-organisa ng mga aktibidad upang ipaalam at turuan ang mga komunidad at konseho ng barangay, at sumama sa mga mobilisasyong inorganisa ng RHAN at iba pang samahang kababaihan, suportahan ang pagpapasa ng lehislasyon sa Kongreso at Senado. Ipinakikita ng mga ebidensyang ito ang totoong mabuti at tamang gawin.
[1] Ang datos ay mula sa publikasyong Policy Brief ng Likhaan. Pinagkunang website ang www.guttmacher.org/pubs/2009 “Meeting Women’s Contraceptive Needs in the Philippines”.
PARTIDO LAKAS NG MASA
PLM-WOMEN
Pebrero 10, 2011
No comments:
Post a Comment