SULONG, BAYANIHANG SOSYALISMO!
INIAALAY namin sa ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio ang bagong anyo ng sosyalismo sa Pilipinas. Ito ang tinatawag naming Bayanihang Sosyalismo.
Kung tatanggalin ang masalimuot na pagpapaliwanag sa diwa ng sosyalismo, matitira ang diwa ng komunidad – o ang diwa ng solidaridad – ng bawat tao, tungo sa pagtulong sa bawat isa.Ito ang bayanihan na hindi kumikilala ng kapalit na salapi. Ito ang bayanihan na hindi tumutulong sa sarili lamang, o sa sarili lamang pamilya, kundi sa malawak na komunidad ng sangkatauhan.Ang bayanihan ang diwa ng sosyalismo. AT ang sosyalismo ay bayanihan ng bawat tao.
Sosyalismong may lokal na kulay Ang Bayanihang Sosyalismo ang paghanay ng mga sosyalistang Pilipino sa Sosyalismo sa ika-21 siglo. Ang bagong sosyalismo na nagwawagayway ngayon ng kanyang bandila at lumalaganap sa Latin Amerika.Nariyan ang ‘Bolivarianong Sosyalismo’ sa bayan ni Hugo Chavez sa Venezuela.
Ang ‘Komyunitaryong Sosyalismo’ sa bayan ni Evo Morales sa Bolivia. Ang ‘Buen Vivir Sosyalismo’ sa bayan ni Rafael Correa sa Ecuador.Lahat ito ay sosyalismong may lokal na kulay, sosyalismong isinulong ng kanilang nagdaang mga bayani at mga katutubong komunidad na nagsabuhay ng egalitaryang sistema (o pagkakapantay-pantay) sa kanilang pamayanan.
Dapat lamang na ialay ang Bayanihang Sosyalismo sa paanan ng bayani ng masang manggagawa at maralita na si Andres Bonifacio. Iniaalay din natin ito sa nagdaang mga bayani, babae o lalaki, na nakibaka para makamit ang mga aral at tagumpay na kailangan ng susunod na salinlahi sa mahabang martsa ng sangkatauhan tungo sa malayang lipunan o lipunang sosyalismo.Kabilang dito sina Lapulapu na nakibaka sa unang mananakop na Kastila; sina Rizal, Gabriela Silang, Tandang Sora at mga bayani ng Rebolusyong 1896; ang mga bayaning nakipag-gyera sa mananakop na Amerikano noong 1900s; ang mga unyonista at lider ng unang organisasyong komunista sa bansa; ang mga babae at lalaking gerilyero ng Hukbalahap at Hukbong Mapagpalaya ng Bayan; ang mga aktibista at sosyalistang lumaban sa diktadura; at ang mga sumunod pang nagpapatuloy sa adhikain ng mapagpalayang lipunan.
Bagong Sosyalismo
Sa ika-21 siglo, nagpanibagong buhay ang sosyalismo. Iwinaksi nito ang kamalian ng nakaraan at isinulong ang bagong pundasyon ng mapagpalayang lipunan.
> Sa halip na sosyalismong anti-demokratiko at otokratiko – ang bagong sosyalismo ay nagsusulong ng direktang demokrasya ng masa at pagtatayo ng tunay na mga gobyerno ng masa.
> Sa halip na sosyalismong state-centered na pinatatakbo ng mga burukratiko, ang bagong sosyalismo ay nagsusulong ng participatory democracy at ng kaginhawahan ng bawat komunidad.
Ang bagong sosyalismo ay sinusukat ngayon sa lapad ng mga serbisyong panlipunan na ipinagkakaloob sa bawat tao, kabilang ang disenteng pabahay, libreng health care, edukasyon, public transport, affordable na pagkain, tubig, elektrisidad at iba pang pangangailangan ng tao. Sa gitna ng mga serbisyong ito ay ang mobilisasyon sa mga tao mismo para sa pagkakaloob ng nasabing mga serbisyo.
Bagong Kilusan
Isinusulong din ng Bayanihang Sosyalismo ang laban ng mga bagong kilusan para sa karapatang panlipunan. Sentral dito ang sumusunod:
> Ang kilusan para sa pagpapalaya ng kababaihan, ang kilusang feminista, kilusan sa gender equality at kilusan sa pagtatanggol ng karapatan ng LGBT (lesbian, gay, bisexual at transgender).
> Ang kilusan sa pangangalaga sa kalikasan at ekolohiya, o ang kilusan ng eko-sosyalismo.
> Ang kilusan sa karapatang indiheniko (indigenous) at karapatan sa sariling pagpapasya ng mamamayang Moro at iba pang inaaping grupong katutubo.
Doon sa iba pang nais mabatid ang nilalaman at layunin ng Bayanihang Sosyalimo, may pampublikong presentasyon na gagawin sa December 8, 1pm, sa Espesyal na Kombensyon ng PLM, sa UP College of Social Works and Community Development (CSWCD), UP Diliman.
November 30, 2013
No comments:
Post a Comment