Friday, February 24, 2017

Polyeto para sa Pebrero 25 - 1986 People Power Revolution

LABANAN ANG PASISMO!
ITAKWIL ANG ELITISTANG PAGHAHARI!
ISULONG ANG DEMOKRASYANG MASA!

Sa darating na Pebrero 25, ang manggagawa at masang anakpawis ay magmamartsa sa EDSA, kaisa ng sambayanang Pilipino hindi lang upang gunitain ang “1986 People Power Revolution” kundi para ibandera ang mga panawagang labanan ang pasismo, itakwil ang elitistang paghahari, at isulong ang demokrasyang masa.

LABANAN ANG PASISMO! Isang insulto para sa mamamayang nagpatalsik sa isang diktador noong 1986 ang umigting na pasistang atake sa mga karapatang pantao mula nang maluklok sa poder ang kasalukuyang rehimen.

• 7,000+ patay sa “War on Drugs”: Umakyat sa pagkapangulo si Rodrigo Duterte sa diskontento ng publiko laban sa iligal na droga. Nangakong lilipulin niya ang naturang salot sa loob lamang ng anim na buwan. Mabilis namang rumesponde ang pulisya. Ikinasa ang “Oplan Tokhang”. Pinayuhan din ang mga pulis na huwag nilang alalahanin ang anumang reklamo laban sa kanila basta’t gawin nila ang lahat ng dapat gawin laban sa mga gumagawa, nagtutulak at gumagamit ng shabu. Ang resulta: kaliwa’t kanang patayan! Nagigimbal sa takot ang taumbayan. Sinumang makakabangga ng abusadong pulis ay napakadaling tamnan ng droga, patayin, at lagyan ng karatulang “pusher, wag tularan”. Imomobilisa na rin ang AFP at mga paramilitary group gaya ng Alsa Masa sa gyera kontra droga.

Mahigit pitong-libo ang pinatay sa loob ng siyam na buwan! 26+ bangkay kada araw! Higit pa sa bilang ng mga pinaslang sa dalawang dekadang lagim ng diktadurang Marcos. Ang masahol, naganap ito sa termino ng isang pangulong tagahanga ng pinatalsik na diktador (kahit pa lumaban dito ang kanyang ina na si Nanay Soling).

• 12 aktibistang makakalikasan ang pinatay sa loob ng pitong buwan ng rehimeng Duterte. Umiigting ang laban ng mamamayan sa nakakasira’t nakakapaminsalang pagmimina. Ang pinakahuling biktima ay si Atty. Mia Manuelita MascariƱas-Green, na pinaslang sa Bohol noong Pebrero 15. 

• 9 ang pinatay sa tatlong linggo matapos maantala ang peace talks ng CPP-NPA-NDF at GRP. Karamihan sa kanila ay mga lider-magsasaka na pinaghihinalaan ng militar at mga grupong paramilitar na kasapi’t simpatisador ng kilusang Kaliwa. Asahang tataas ang bilang ng mga “political killings” sa pagdeklara ng all-out war laban sa mga rebelde (gaya ng “Total War Policy” ni Cory Aquino).

• Nakaambang panukala para ibalik ang death penalty. May limang panukala sa Senado para manumbalik ang parusang kamatayan (tatlo kay Sen. Pacquiao, tig-iisa sina Sen. Sotto, Sen. Lacson, at Sen. Gatchalian). May ganito ring panukala sa Batasan na pagbobotohan na para sa second reading sa Pebrero 28. May mga kongresistang nais alisin ang reyp at pandarambong (plunder) sa listahan ng mga krimen na may parusang kamatayan.

• Panukalang ibaba ang edad ukol sa responsibilidad sa krimen. Tinutulak ngayon sa kongreso ang panukala na ibaba ang edad ng mga maaring kasuhan ng krimen - mula 15 ay gawing 9 na taong gulang. Ito ay tahasang paglabag sa karapatan ng mga bata – na isa sa pinakabulnerableng sektor sa ating lipunan.

• Pagsuspindi sa writ of habeaus corpus. Matapos ang Davao bombing (Setyembre 2016), nagbabala si Duterte na maari niyang alisin ang writ of habeas corpus, ang ligal na proteksyon laban sa warrantless arrest at illegal detention.

Sa nagaganap na patayan dahil sa “War on Drugs”, naisasantabi ang nararapat na mga proseso para imbestigahan, litisin, at parusahan ang sinumang lumalabag sa batas. Ang mensahe sa taumbayan: huwag nang dumaan sa masalimuot na mga proseso ng batas sapagkat ang nasusunod ngayon ay kung sino ang may armas at may kapasidad na gumamit ng dahas!

Ang problema, paano ang milyon-milyong mga sibilyang walang mga armas? Paano nila haharapin ang pang-aabuso’t pang-aapi sa kanila, laluna ng mga may-kapital at may-kapangyarihan sa lipunan? Sa ilalim ng 1987 Constitution, na nasabatas matapos ang 1986 People Power revolution, nariyan ang mga batayan at prosesong ligal upang maipagtanggol ng taumbayan ang kanilang mga sarili. 

May “right to self-organization” para mag-unyon ang mga manggagawa. May karapatan sa “land reform” ang mga magsasaka. May karapatan sa “affordable mass housing” ang maralitang lungsod. May kalayaan para sa “peaceful assembly” ang taumbayan para igiit ang mga hinaing sa gobyerno. May “free speech” ang mga komentarista sa midya. May mga halal na institusyon, gaya ng senado’t kongreso, bagamat matapos magamit ang kanilang “right to vote” ay hindi na kasali ang mayorya ng mamamayan sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng mga batas ng gobyerno. Iba’t ibang mga karapatang gumagarantiya sa sama-samang pagkilos at pagpapahayag upang ipagtanggol ng mamamayang Pilipino ang kanilang kalayaang mabuhay nang disente’t marangal.

Subalit lahat ng mga karapatang iyan ay bahagi ng mga karampatang prosesong itinatakda ng batas. Nasimulan na itong mabalewala sa kaliwa’t kanang patayan sa ngalan ng krusada laban sa droga. Ngayon, humaharap ang mga karapatang ito sa walang tigil na pasistang atake, na kung hindi maaampat ay tutungo sa ganap na pasismo – sa absolutismo ng isang diktadura, sa pagkalusaw ng mga halal na institusyon, sa lantarang pagkakait sa pagsapraktika ng batayang mga karapatan, at ang hayagang paghahari ng militar. 

Napapanahon sa anibersaryo ng EDSA 1986 para simulan ang pagkilos ng mamamayan laban sa mga pagtatangkang ibalik ang pasistang diktadura. Huwag hayaang ang mga karapatang pantao ay patay na letra lamang sa ating mga batas. Isabuhay natin ito sa kolektibong pakikibaka ng taumbayan laban sa pasismo! 

ITAKWIL ANG ELITISTANG PAGHAHARI! Ang manggagawa’t mamamayan ay kaisa sa paggunita sa EDSA 1986. Ngunit hindi para ipagbunyi ang naging resulta nito – ang elitistang demokrasya na humalili sa diktadurang Marcos. Walang napala ang taumbayan sa pinangangalandakang “panunumbalik ng demokrasya”, liban sa pagsasabatas ng ating mga karapatang nananatili sa papel ngunit hindi umiiral sa ating pang araw-araw na buhay.

Mula sa paghahari ni Cory hanggang kay Noynoy Aquino, dinanas ng taumbayan ang ibayong pahirap sa walang tigil na pagpapatupad ng gobyerno sa mga patakaran ng neoliberal na globalisasyon – ang liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at kontraktwalisasyon. Dumagsa ang dayuhang kalakal at kapital na puminsala sa ating lokal na industriya’t agrikultura. Pinagtubuan ng mga kapitalista ang dating mga sineserbisyo ng gobyerno sa kanyang mamamayan. Binaklas ang mga kontrol ng gobyerno sa pagtakbo ng negosyo. Inalis din ang pagreregular sa mga manggagawa na kanilang proteksyon laban sa ibayong pang-aabuso ng kanilang mga employer.

Ang popular na diskontento laban sa mga “elitista” ang siyang nagamit ni Digong sa kanyang kakaibang pagkapanalo sa eleksyon. Sinalamin ito ng kanyang elektoral na panawagang “Change is coming”. Ngunit magpasahanggang ngayon (siyam na buwan na sa poder) ay hindi malasap ng masang Pilipino ang ipinangakong pagbabago ni Rodrigo Duterte. Walang nagbago! Sapagkat hindi naman binago ang neoliberal na programang pang-ekonomya. Kaya’t monopolyado pa rin ng mga kapitalista’t asendero ang ekonomya’t pulitika ng bansa. 

Maging ang pangakong pipigilan ang kontraktwalisasyon ay natigilan! Wala pang kautusan – Department Order man ng DOLE, o Executive Order ng Malakanyang – ang nagbabawal sa paggamit ng mga kontraktwal para makaiwas ang mga employer sa mga benepisyong nararapat sa mga regular na empleyado. Pareho lang ang kinikilingang mga uri – ang mga kapitalista’t asendero. 

Nananawagan tayo sa sambayanan. Huwag tayong magpagamit bilang pambala ng kanyon sa dalawang paksyon ng mga elitista na naglalaban para sa estado poder. Matuto tayo sa aral ng EDSA 1 at EDSA 2. Mabibigo ang masa sa anumang pag-aalsa kung ang nakinabang lamang dito ay ang elitistang paksyong nais kunin ang poder sa ekstra-parlyamentaryong paraan, gamit ang lakas at dinamismo ng nagkakaisang mamamayan.

IPAGLABAN ANG DEMOKRASYANG MASA! Sa paggunita sa mga aral ng EDSA, tandaan natin ang istorikal na katotohanang “ang masa ang lumilikha ng kasaysayan”. Noong 1986, nagawa ng nagkakaisang mamamayan na magpatalsik ng diktador subalit tinalo sila sa maneobra ng mga elitistang anti-Marcos. Kung sa eleksyong 2016, itinakwil ng mamamayan ang paghahari ng mga “Dilaw” sa pamamagitan ng eleksyon. Sa harap ng pasistang atake sa mga karapatan ng malayang pag-oorganisa, pagsasama-sama, at pagkilos, makikita ng masa na walang pinag-iba ang rehimeng Digong sa nakaraang mga administrasyon. Itatatag nila ang tunay na demokrasya – ang ganap na paghahari ng kapasyahan ng mayorya. Ito ang aral ng EDSA para sa susunod na yugto ng ating kasaysayan. #

BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO - PARTIDO LAKAS NG MASA - SANLAKAS
Pebrero 2017


No comments:

Post a Comment