Sunday, May 3, 2009

Danny Lim's statement - PLM Founding Congress

MESSAGE FOR THE PARTIDO LAKAS NG MASA (PLM) ON ITS FOUNDING CONGRESS

Isang maalab na pagbati sa pamunuan at mga kasapi ng Partido Lakas ng Masa (PLM)! Ako’y lubos na nagagalak at nagpapasalamat sa inyong paanyaya na ako’y magbigay ng maikling mensahe sa okasyon ng inyong kongresong pagtatatag.

Talagang wala nang kabutihang maaasahan pa ang mga mamamayang Pilipino sa mga partido ng trapo na matagal nang naghahari sa ating Pambansang pulitikal na pamumuhay. Dahil sa mga sistemang bulok, sa gitna ng malawakang kahirapan, hindi nabibigyan ng pansin ang hinanaing ng ating mga kababayan. Mistulang nabaon ito kasama ng kaliwa’t kanan at pana-panahong pangakong pag unlad galing sa mga manhid na trapong namumuno na walang malasakit sa nagdarahop na masa. Habang walang sapat na aksyon upang tugunan ang kawalan ng bawat Pilipino, patuloy naman ang pagpapasasa at pagpapayaman ng mga namumuno bunga ng korupsyon, imbes na pangalagaan at itaguyod ang kapakanan,sigaw para sa katarungan at karapatan ng mas nakararaming Pilipino. Hindi tama na ang iilan ang naghahari habang ang karamihan na siyang dapat na may hawak ng tunay na poder ng kapangyarihan sa isang demokratikong lipunan ay mistulang mga alipin!

Napapanahon ang pagtatatag ng isang partidong pulitikal na tunay na kakatawan at ipaglalaban ang interes ng mas nakararaming masang Pilipino. Ako ay nakikiisa sa inyong magandang hangarin at adhikain upang makamtan natin ang tunay at makabuluhang pambansang pagbabago. Naniniwala ako na ang lakas ng isang partido ay nagmumula sa kanyang mga kasapi at wala nang mas lalakas pa sa nagkakaisang masang Pilipino. Ang pagsasama-sama ay kailangan upang mapigilan natin ang patuloy na pagkalugmok ng ating bayan sa mala-kumunoy na kahirapan at tuldukan na rin ang walang habas na pananamantala ng huwad at korap na liderato ng mga trapo. Ang ganitong pagbubuklod-buklod ay isang napakagandang paraan at simulain tungo sa ating inasam-asam na mas magandang kinabukasan hindi lamang para sa atin kundi para na rin sa mga susunod pang henerasyon. Angkop lamang na ituring natin ang PLM na partido ng pagbabago at partido ng ating panahon dahil eto, sa aking pananaw, ay mag sisilbing inspirasyon at behikulo para sa mga makahulugang reporma. Ang pagkaka tatag ng PLM ay isang napakalaking hakbang tungo sa tama at nararapat na Pambansang landas.

Ibalik natin sa ating mga kababayan ang pagasa at tiwala. Palakasin natin ang kakayahan ng mga organisasyong masa na bumubuo ng PLM. Magkaisa tayo para maitaguyod ang mga repormang matagal nang hinahangad ng ating mga maralitang Kababayan. Magtulungan at magsama-sama tayo para magka tutoo ang ating matagal nang minimithing pagbabago, pagunlad, at kaayusan. Magkapit-bisig tayo para salubungin ang pagdating ng isang Bagong Umaga. Kasama ninyo ako!


Para sa Bansa!

BGEN DANNY LIM AFP

No comments:

Post a Comment