Sunday, May 3, 2009

Plataporma ng Masa - PLM

PLATAPORMA NG MASA
Partido Lakas ng Masa

Ang Plataporma ng Masa na itinataguyod ng PLM ay plataporma tungo sa pagbubuo ng bagong sistema ng sosyalistang lipunan na makatao, walang pagsasamantala, walang pang-aapi, may kakayahang isustine (sustainable), at kung saan ang yaman ng lipunan ay pantay-pantay na pinaghahatian ng lahat. Ito ay isang lipunan na ipupundar sa tunay na pag-unlad ng sangkatauhan, hindi gaya ng kasalukuyang kapitalistang lipunan na pinaghaharian ng iilan at pinatatakbo para sa kasaganaan lamang ng iilan.

Ang Plataporma ng Masa ay transisyonal na programa, na kumakatawan sa layunin ng masa (ng uring manggagawa, mga maralita sa lungsod at kanayunan, o lahat ng mahihirap) na pasimulan na ang hakbang para sa tuluy-tuloy na pagbabago ng lipunan. Bilang transisyonal na programa, nagsisimula ito sa kagyat na layuning isalba ang mamamayan sa matinding krisis na nililikha ngayon ng kapitalistang sistema, habang pinalalawig ang demokratikong espasyo para sa pampulitikang interbensyon ng masa. Krusyal sa Plataporma ng Masa ang pagkakaloob ng kagyat na economic relief sa masa at ang pagbibigay ng kapangyarihan sa kanila sa iba’t ibang antas.

May mga bagay sa plataporma na maaaring maipagkaloob kahit sa kasalukuyang sistema na pinaghaharian ng mga trapo at elitistang pwersa. Subalit kahit ang mga ito ay mangangailangan ng ibayong mobilisasyon at matitinding pagkilos ng masa para mapilitang ipagkaloob ng mga nasa poder. Sa kabuuan, ang pagkompleto ng Plataporma ng Masa ay nasa ganap na tagumpay ng pakikibaka ng masa.

Dapat tanganan ng masa ang kapangyarihang pampulitika, ang buong gobyerno at ang lahat ng ahensya ng estado, para ganap na maisakatuparan ang minimithing layunin ng bagong lipunan. Isang lipunan na ang panuntunan ay pagtitiyak na anumang kasaganaan at pag-unlad ng lipunan ay maisasalin sa kasaganaan at pag-unlad ng bawat indibidwal, at kung saan ang bawat indibidwal ay mahuhubog bilang kritikal na pwersa sa ganap na lipunang pagbabago.

Ang Plataporma ng Masa ay kontribusyon ng masang Pilipino sa pagsusulong ng sosyalismo sa ika-21 siglo – sa pagtatayo ng internasyonal na pagkakapatiran ng lahat ng inaapi at pinagsasamantalahang pwersa tungo sa pagwawakas ng imperyalistang pagsasamantala at pang-aapi at pagtatatag ng pantay na ugnayan ng mga bansa at pagkakapatiran ng masa sa buong mundo.
.
I. Kagyat na Economic Relief sa Masa

Kailangan ang kagyat na economic relief sa harap ng di-matingkalang paghihirap ng masa. Kailangang itigil ang tumataas na antas ng mga pamilyang nagugutom. Kailangang isalba ang mga sanggol at batang sinalanta na ang katawan at utak ng matinding malnutrisyon. Kailangang itigil ang malawakang lay-off at pagsasara ng mga pabrika at kailangang ihanda ang programa sa maramihang pagbabalik ng mga OFWs dahil sa pandaigdigang krisis ng kapitalismo.

1. Kagyat na mga aksyon:

(a) Ibaba ang presyo ng mga bilihin, ipatupad ang price ceiling sa lahat ng batayang bilihin, at tanggalin ang VAT sa lahat ng produkto.
(b) Ibaba ang halaga ng koryente, tubig at pamasahe
(c) Moratoryum sa lay-offs at pagsasara ng mga pabrika
(d) Assistance ng gobyerno sa takeover ng mga manggagawa at ng komunidad sa nagsarang mga pabrika
(e) Paglulunsad ng feeding programs, health projects at lahat ng proyektong lulutas sa sagad na malnutrisyong dinaranas ngayon ng maraming sanggol at bata sa maraming dako ng Pilipinas.

2. Pagpapalaki at pagpaparami ng mga panlipunang programa para sa mahihirap:

(a) Pagkakaloob ng disenteng trabaho para sa lahat. Proteksyon ng estado sa karapatan at suporta sa kabuhayan ng mga nasa informal sectors ng ekonomiya (gaya ng vendors, tricycle at jeepney drivers, at iba pa).
(b) Pagpapalaki ng badyet ng gobyerno para sa panlipunang proyekto gaya ng job-creating projects; pagkakaloob ng living wage sa mga manggagawa; proyekto para sa libre o abot-kayang ospitalisasyon at medisina (comprehensive public health care); libreng edukasyon sa pamilya ng mahihirap; at libre o abot-kayang proyektong pabahay nang walang interes at kolateral.
(c) Pag-release ng government-controlled funds (gaya ng Coco Levy) at koleksyon ng unpaid taxes ng mayayaman (gaya ng bilyun-bilyong buwis na utang ni Lucio Tan) para pondohan ang mga proyektong panlipunan.

3. Sa mga OFWs na maaapektuhan ng krisis at babalik sa Pilipinas:

(a) Isang social relief package na binubuo ng pagbibigay ng disenteng trabaho at kaparaanan para mabuhay, disenteng pasahod, at sapat na proyektong tutugon sa kanilang mga pangangailangan sa kalusugan, edukasyon at pabahay.

4. Kagyat na pagbaligtad ng mga patakarang neo-liberal ng gobyerno:

(a) Repeal ng automatic debt appropriation, pagwawaksi sa mga di-makatwirang utang, at pagbaling ng bayad-utang para sa mga proyektong panlipunan.
(b) Kagyat na pagpapatigil sa mga nakasalang na proyekto sa privatization, liberalisasyon, at deregulasyon ng mga sektor sa ekonomiya.
(c) Proteksyon sa agrikultura at industriya gaya ng pagtataas ng taripa.
(d) Pagsasabansa ng mga bangko at financial institutions sa ilalim ng popular control para tiyakin na ang pondo ay hindi ginagamit para pagtubuan kundi para pondohan ang social development projects na lumilikha ng trabaho.
(e) Pagbubukas ng libro de kwenta ng mga bangko. Magpatupad ng istriktong regulasyon sa operasyon ng mga bangko at gawing transparent ito dahil ang mga bangko ay public service institutions kung saan ang savings ng masa ay doon nakadeposito.
(f) Walang patakaran ng bailout sa mga kapitalistang bangko at korporasyon (gaya ng isang probisyong nakasaad sa bagong Konstitusyon ng Ecuador).
(g) Ilegalisasyon ng financial speculation at iba’t ibang anyo nito.
(h) Pag-alis ng bansa sa IMF, World Bank, ADB, WTO at mga gaya nito, at pagbuwag sa mga di-pantay na kasunduan sa ibang bayan.
(i) Pagsusulong ng pantay na kalakalan sa mga mapagkaibigang gobyerno.

5. Proteksyon sa pampulitika at pang-ekonomiyang karapatan ng mga manggagawa:

(a) Living wage para sa lahat ng mga manggagawa; automatic wage adjustment batay sa implasyon o pagtaas ng presyo.
(b) Ganap na karapatan sa welga at pag-oorganisa.
(c) Pagbabawal ng kontraktwalisasyon at kaswalisasyon sa mga regular na trabaho at repeal ng lahat ng mga batas at regulasyon na anti-unyon at anti-manggagawa.

6. Pagwawakas ng gutom, kahirapan at inhustisya sa kanayunan.

(a) Pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo, kabilang na ang pagkakaloob ng lupa sa mga nagsasaka (mula pagkakaloob sa indibidwal hanggang pagkakaloob sa mga kooperatiba at samahan ng masa), at access sa agricultural credit at assistance, job security at market access para sa mga magsasaka at manggagawang agrikultural.
(b) Subsidyo at pagpapababa ng presyo ng mga farm inputs, at pagtatayo ng imprastruktura na kailangan sa agrikultura (irigasyon, harvest & post-harvest facilities, etc.).
(c) Seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng pagbabawal ng eksportasyon ng bigas, atbp.

7. Kagyat na proteksyong pangkalikasan:

(a) Pagtigil ng mapanirang pagtotroso at pagmimina, dynamite fishing, at iba pang operasyon na nakasisira sa kalikasan at balanseng pang-ekolohiya.
(b) Mga batas para sa pagkontrol ng pollution sa lupa, hangin at tubig.
(c) Kontrol ng komunidad at pangangasiwa sa yamang-tubig at iba pang public domains (forests, at iba pa).

II. Kagyat at Kailangang Pampulitikang Reporma

Ang economic relief ay dapat sabayan ng kongkretong reporma sa pulitika, na ang pinakapuso ay pagtatayo ng kapangyarihan ng masa sa lahat ng antas. Ang marami sa programang naririto ay magagawa lamang sa ilalim ng kapangyarihan ng masa, at kung gayo’y mangangahulugan na kailangang hawakan ng masa ang kapangyarihang pampulitika kung nais nilang isulong ang makabuluhan at makatwirang platapormang ito na tanging solusyon sa krisis ngayon.

1. Kagyat na pagtatayo ng kapangyarihan ng masa (People’s Power).

(a) Transpormasyon ng mga barangay bilang organo ng kapangyarihang popular sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga Barangay Assemblies na kinakatawan ang lahat ng pamilya at mga tao sa komunidad. Pagbubuo ng mga katulad na assemblies sa pabrika, lugar ng trabaho, at eskwelahan (assembly of student, faculties and workers).
(b) Paglalaan ng hiwalay na badyet para sa mga institusyon ng popular power sa grassroots level.
(c) Pagsusulong ng participatory budgeting o partisipasyon ng masa sa pagbubuo ng badyet sa kanilang komunidad hanggang sa munisipal at pambansang antas.
(d) Pagbubuo ng mga milisya ng masa na pinatatakbo ng mga assemblies sa komunidad, pabrika, lugar ng trabaho at mga kampus.
(e) Pagtatayo ng People’s Power government sa lahat ng antas para ipatupad ang mga kailangang reporma na inilista sa itaas – isang gobyerno na binubuo at pinatatakbo ng mga anakpawis mismo.
(f) Ang paggawa ng bagong Konstitusyon para isagawa ang mga pagbabago at isulong ang sosyalistang direksyon na ninanais ng mamamayan.
(g) Ang kababaihan ay dapat may malakas na representasyon at aktibong partisipasyon sa lahat ng antas ng kapangyarihang masa.

2. Pagwawakas ng graft & corruption sa gobyerno at sa militar:

(a) Pag-aresto at paglilitis sa big-time grafters at corrupt na mga opisyales, kabilang ang mga dati at kasalukuyang nangurakot na pangulo at pamilya nila.
(b) Revamp ng AFP/PNP at paglilitis ng mga corrupt at kriminal na mga heneral.
(c) Paglalansag ng mga criminal syndicates at iba pang sindikato sa loob ng gobyerno at mga ahensya nito.
(d) Pagpapalit ng mga kinatawan ng masa sa mga corrupt at anti-masang personahe sa burukrasya.

3. Pagreporma sa AFP, PNP, hudikatura at sistemang elektoral

(a) I-retire ang mga heneral at lahat ng mga Supreme court justices at palitan sila ng mga kinatawan ng masa na nagmumula sa mga progresibong seksyon ng AFP, PNP at judiciary.
(b) Buwagin ang Comelec at itayo ang bagong electoral agency sa ilalim ng mga kinatawan ng masa.
(c) Gawing demokratiko ang sistemang elektoral para magkaroon ng mas malaking representasyon ang masa sa lahat ng antas ng gobyerno.
(d) Dapat ihalal ang burukrasya ng estado at maging accountable sila sa mamamayan sa lahat ng panahon. Dapat silang mapailalim sa recall kung ninais ng mamamayan. Ang kanilang operasyon ay dapat ganap na transparent. Dapat buuin ang burukrasya ng mga dedicated na kinatawan ng masa at wala silang tatamasahing espesyal na mga prebilehiyo. Ang kanilang sweldo ay dapat katumbas ng sweldo ng mga skilled na manggagawa.
(e) Ang gender equality ay isang criteria sa paghahalal ng mga opisyales ng estado sa lahat ng antas.

4. Paglutas ng gyera at armadong mga sigalot para magkaroon ng kapayapaan ang bayan.

(a) Pull-out ng lahat ng pwersa ng US at mga imperyalistang pwersa sa Mindanao at iba pang mga lugar sa bansa.
(b) Pagtigil ng gyera sa Mindanao at pagbaling ng pondo sa gyera tungo sa produktibong proyekto at paglikha ng mga trabaho.
(c) Pagkakaloob ng karapatan sa sariling-pagpapasya, hanggang karapatan sa independensya, ng Bangsa Moro.
(d) Pagbasura ng internal security policies na nakabatay sa anti-terrorism campaign at repeal ng lahat ng kontra-mamamayan na military at anti-terrorism laws.
(e) Pagsulong ng peace process para wakasan ang lahat ng armadong sigalot sa pamamagitan ng paglutas sa inhustisyang panlipunan at pampulitika na ugat ng mga ito.

5. Pagwawakas sa lahat ng anyo ng diskriminasyon at inequality sa gender.

(a) Paggarantiya ng estado (sa pamamagitan ng batas, education campaign, at iba pa) sa pagwawakas sa karahasan laban sa kababaihan sa domestic at pampublikong larangan.
(b) Repeal ng lahat ng discriminatory laws laban sa kababaihan at sa mga lesbiasn, gays, bisexuals at transgender.
(c) Itaguyod at isulong ang karapatan ng kababaihan at ang reproductive health.
(d) Ang pagkilala ng gobyerno sa reproductive work ng kababaihan sa mga pamilya bilang tunay na trabaho na may bayad na kailangang ipagkaloob ng gobyerno sa bawat kababaihang nakatali sa trabahong bahay (gaya nang nakasaad sa konstitusyon ng Venezuela).
(e) Pagtulong ng estado para isulong ang pang-ekonomiyang empowerment ng kababaihan, gaya ng pagtatayo ng Women’s Bank, ang paggawa ng gender budgets sa lahat ng antas ng gobyerno; ang adult education at vocational training, at iba pa.

6. Pangangalaga sa ating kabataan.

(a) Libreng edukasyon para sa lahat, sa lahat ng antas (primarya hanggang kolehiyo).
(b) Paglulunsad ng mga espesyal na programa para mahatak pabalik sa eskwela ang mga out-of-school youth.
(c) Magkaloob ng living stipend para sa mga kabataan ng mahihirap na pamilya para matiyak na makapagtapos sila ng edukasyon.
(d) Paunlarin ang mga socialist-oriented education courses, at magkaroon ng sports development projects para sa mga kabataan.

7. Pangangalaga sa mga senior citizens.

(a) Pagtitiyak ng mainam na kabuhayan sa mga senior citizens o mga hindi na kayang magtrabaho, sa pamamagitan ng pagkakaloob ng sapat na pension at disenteng tirahan na may kaukulang pasilidad para sa mga may edad.
(b) Paglulunsad ng mga proyektong makatutulong sa pag-unlad ng pisikal at mental na kakayahan ng mga senior citizens at pangangalagang pangkalusugan.

8. Pagpapaunlad ng kultura ng masa at pagsulong ng people’s mass media.

(a) Paunlarin ang isang anti-kolonyal at anti-imperyalistang kultura na kritikal, di invidualistic, secular at socially-oriented.
(b) Buwagin ang monopolyo ng mga kapitalistang korporasyon sa media at palakasin ang independent mass media.
(c) Suportahan ng gobyerno ang people’s power media na magtatayo ng mga community-based radio, TV, theatre, dyaryo at magasin sa lokal na antas.

Nobyembre 12, 2008

No comments:

Post a Comment