SALIGANG BATAS NG PARTIDO LAKAS NG MASA
(PLM)
Preambulo
(PLM)
Preambulo
Ang Partido Lakas ng Masa ay isang partido pampulitika ng manggagawa at masang Pilipino na lumalaban para sa pagbubuo ng sosyalistang lipunan na makatao, walang pagsasamantala, walang pang-aapi, nakabatay sa sustainable development, at kung saan ang yaman ng lipunan ay pantay-pantay na pinaghahatian ng lahat. Isang lipunan na titiyak na anumang kasaganaan at pag-unlad ng lipunan ay maisasalin sa kasaganaan at pag-unlad ng bawat indibidwal, at kung saan ang indibidwal ay nahuhubog bilang mapagpasyang pwersa sa lipunang pagbabago.
Ang PLM ay naniniwala na ang lipunang ito ay ipupundar sa tunay na pag-unlad ng sangkatauhan, hindi gaya ng kasalukuyang kapitalistang lipunan na pinaghaharian ng iilan at pinatatakbo para sa kasaganaan lamang ng iilan.
Ang Partido Lakas ng Masa ay naninindigan na dapat tanganan ng masa ang kapangyarihang pampulitika, ang buong gobyerno at ang lahat ng ahensya ng estado, para ganap na maisakatuparan ang minimithing layunin ng bagong lipunan.
Ang Partido Lakas ng Masa ay kikilos para sa pagtatayo ng internasyonal na pagkakapatiran ng lahat ng inaapi at pinagsasamantalahang pwersa tungo sa pagwawakas ng imperyalistang pagsasamantala at pang-aapi at pagtatatag ng pantay na ugnayan ng mga bansa at pagkakapatiran ng masa sa buong mundo.
Artikulo 1
Pangalan at Bandila
Pangalan at Bandila
Seksyon 1. Ang pangalan ng ating partido ay Partido Lakas ng Masa at maaari rin tawaging PLM.
Seksyon 2. Ang bandila ng ating partido ay ang tri-color flag na iwinagayway ng bayaning si Gen. Gregorio del Pilar noong 1897 at noong huling tindig laban sa mananakop na pwersang Amerikano sa Tirad Pass, Ilocos Sur. Ang pula sa itaas ng bandila ay sagisag ng rebolusyon laban sa kolonyalistang Espanyol; ang itim sa ibaba ay hango sa naunang rebolusyonaryong bandila na ginamit ni Gen. Mariano Llanera, at ang bughaw na trianggulo ay simbolo ng pakikiisa sa nagaganap ding rebolusyon sa Cuba laban sa mga Kastila. Ang bandila ay sagisag ngayon ng pagpapatuloy ng pakikibaka sa dayuhan at lokal na pang-aapi at pakikiisa sa internasyonal na adhikain ng masa para sa kalayaan, katarungan at pagkakapantay-pantay.
Artikulo 2
Kasapian
Kasapian
Seksyon 1. Pagsapi. Sinumang indibidwal na nananalig sa layunin ng PLM at tinatanggap ang Saligang Batas nito ay maaaring maging kasapi ng PLM. Ang mga organisasyong masa ay maaaring magpahayag ng pagsuporta sa PLM o mag-affiliate bilang kasaping organisasyon sa pamamagitan ng kapasyahan ng kanilang opisyal na liderato. Gayunman, hinihikayat ang bawat kasapi ng mga affiliate organizations na indibidwal na pumaloob sa PLM.
Seksyon 2. Pamantayan. Ang mga kasapi ng PLM ay dapat kumilos bilang mga lider ng masa. Dapat nilang ipauna ang interes ng masa at maging magalang at may pag-aalala sa kapakanan ng mahihirap na seksyon ng lipunan. Ang mga kasapi ay dapat magturingang magkakasama sa loob ng organisasyon.
Seksyon 3. Ang aplikasyon para sa pagsapi ng indibidwal ay dapat may rekomendasyon ng isang kasapi ng PLM na may magandang rekord sa partido.
Seksyon 4. Mga karapatan ng kasapi. Ang mga kasapi ay mayroong sumusunod na mga karapatan:
(a) Lahat ng mahahalal o mapipiling delegado sa Kongreso ay may karapatang bomoto, kumandidato at mahalal sa anumang posisyon.
(b) Lahat ng kasapi ay may karapatang lumahok at magbigay ng opinyon o posisyon sa mga talakayan at debate sa loob ng partido.
(c) Lahat ng kasapi ay may karapatang magpaabot ng mga panukala sa PLM, sa mga organisasyong kasapi nito, at mga puna sa sinumang kasapi, pamunuan at kapulungan ng PLM.
(d) Lahat ng kasapi ay may karapatang alamin ang kalagayan ng organisasyon, gaya ng kasalukuyang bilang ng kasapian, katayuang pinansyal at iba pa.
(e) Ang sinumang kasaping indibidwal ay maaaring magbitiw bilang kasapi pagkatapos pormal na maipaabot sa kaukulang kapulungan ang mga kadahilanan ng kanyang pagbibitiw.
Seksyon 5. Mga obligasyon ng kasapi. Ang lahat ng kasapi ay may mga sumusunod na obligasyon:
(a) Dumalo sa mga pulong na ipatatawag ng PLM.
(b) Lahat ng kasapi ay may obligasyong dumalo sa mga pag-aaral ng mga kursong pinagpasyahan ng Konseho Sentral (Central Council) ng PLM.
(c) Lahat ng kasapi ay may obligasyong magbayad ng isahang-beses na joining fee at buwanang butaw para sa pondo ng organisasyon. Ang halaga ay itatakda ng Konseho Sentral ng PLM at mag-iiba-iba sang-ayon sa katayuang pinansyal ng kasapi. Maaaring lumiban sa pagbabayad ng butaw sang-ayon sa dahilang kikilalanin ng Konseho Sentral. Ang mga myembro ng kasaping organisasyon ng PLM ay hihikayating magbayad ng butaw bilang indibidwal.
(d) Lahat ng kasapi ay may obligasyong lumahok sa lahat ng napagtibay na pagkilos o panawagan ng PLM.
(e) Lahat ng kasapi ay may obligasyong magpropaganda para sa PLM at magrekrut ng mga bagong kasapi ng PLM.
Seksyon 6. Karapatan at obligasyon ng mga affiliate organizations. Ang karapatan at obligasyon sa partido ay nakabatay sa batayang indibidwal. Gayunman, hinihikayat ang mga affiliate organizations na sundin at ipatupad ang mga kapasyahan ng partido. Gayundin, ang sinumang affiliate organizations ay maaaring tumiwalag bilang affiliates pagkatapos pormal na maipaabot sa Konsehong Tagapagpaganap o sa mga awtorisadong sentro sa panrehiyong antas ang mga kadahilan ng kanilang pagtiwalag.
Artikulo 3
Pambansang Kongreso
Pambansang Kongreso
Seksyon 1. Ang pinakamataas na kapangyarihan ay ang Pambansang Kongreso na idaraos tuwing ikatlong taon. Ito ay binubuo ng mga delegado mula sa mga lokal na sangay, mga piling indibidwal, at mga piling affiliate organizations. Ang pormula sa bilang ng mga delegado ay pagpapasyahan ng Konseho Sentral ng partido.
Seksyon 2. Ang Pambansang Kongreso ang magpapatibay ng pangkalahatang programa at mga patakaran, mag-aamyenda sa Saligang Batas, at maghahalal ng mga kagawad ng Konseho Sentral. Ihahalal din ng Pambansang Kongreso ang Tagapangulo ng PLM.
Seksyon 3. Ang Ispesyal na Pambansang Kongreso ay maaaring idaos kung kinakailangan. Ang pagdaraos nito ay maaaring ipatawag ng mayorya ng Konseho Sentral o ng mayorya ng mga kasaping organisasyon at indibidwal.
Artikulo 4
Konseho Sentral
Konseho Sentral
Seksyon 1. Ang Konseho Sentral (KS) ang pinakamataas na awtoridad sa pagitan ng mga Kongreso. Binubuo ito ng 31 mga halal na kagawad ng Pambansang Kongreso.
Seksyon 2. Ang Konseho Sentral ang maghahalal sa mga kagawad ng Konsehong Tagapagpaganap (KT).
Seksyon 3. Ang Konseho Sentral (KS) ay maaaring bumuo ng mga komite at kagawaran na kailangan paras a pagpapatupad ng pangkalahatang programa at mga patakaran ng Kongreso.
Seksyon 4. Ang Konseho Sentral ay may tungkuling:
a. Gumawa ng mga kailangang desisyon at patakaran kaugnay ng napagtibay na programa ng Kongreso.
b. Magtakda ng ispisikong mga target bawat larangan ng trabahong kailangan para sa pagpapatupad ng programa.
c. Gumawa ng plano kada 1 taon ng tatlong-taong programa.
Seksyon 5. Ang Konseho Sentral ay magpupulong nang hindi bababa sa isang beses bawat anim na buwan. Maaaring ipatawag ang ispesyal na pulong ng Konseho Sentral sa pamamagitan ng Konsehong Tagapagpaganap o petisyon ng mayorya ng mga kasapi ng Konseho Sentral.
Seksyon 6. Ang Konseho Sentral ay may kapangyarihang humirang ng mga dagdag na kasapi ng KT at KS o humirang ng mga posisyong honorary (batay sa merito ng indibidwal, nang walang kapangyarihang organisasyonal) sa pagitan ng mga itinakdang Pambansang Kongreso.
Artikulo 5
Konsehong Tagapagpaganap
Konsehong Tagapagpaganap
Seksyon 1. Ang Konsehong Tagapagpaganap (KT) ang pinakamataas na konseho sa pagitan ng pulong ng Konseho Sentral. Ang KT ay may sentral na tungkuling ipatupad ang lahat ng desisyon, plano at programa ng Konseho Sentral. Kaakibat ng tungkuling ito ay ang karapatang magdesisyon sa lahat ng usaping may kaugnayan sa pagpapatupad ng mga desisyon ng Konseho Sentral. Ang bilang kasapi ng KT ay pagpapasyahan ng Komite Sentral.
Artikulo 6
Asembleya at Balangay sa Rehiyon, Probinsya,
Munisipalidad/Syudad at mga Lokalidad
Asembleya at Balangay sa Rehiyon, Probinsya,
Munisipalidad/Syudad at mga Lokalidad
Seksyon 1. Ipatatawag ang mga asembleya sa antas ng rehiyon, probinsya, munisipalidad/syudad, at mga lokalidad (komunidad, pabrika, o mga kampus) para buuin ang mga balangay ng PLM sa nasabing mga erya.
Seksyon 2. Ihahalal ng mga asembleya ang mga Konseho ng Masa na mangangasiwa sa araw-araw na pagpapatakbo ng partido sa kanilang nasasakupang erya.
Artikulo 7
Gawaing Elektoral at Parliamento
Gawaing Elektoral at Parliamento
Seksyon 1. Ang layunin ng gawaing parliamento ay para isulong ang adhikain ng partido at ng kilusang masa. Ang kampanyang elektoral o anumang gawaing parliamentaryo ay dapat nakapailalim sa mga layunin at gawain ng pakikibakang masa sa labas ng parliamento. Mahalagang layunin ng gawaing elektoral at parliamento ngayon ang pag-uk-ok hanggang pagbabagsak sa kapangyarihang trapo sa lokal at pambansang antas.
Seksyon 2. Ang Tagapangulo ng PLM ay hindi maaaring tumakbo sa anumang pwesto sa panahon ng halalan. Ang iba pang kagawad ng Konsehong Tagapagpaganap ay maaaring tumakbo sa halalan, subalit kailangang magbitiw sa kanilang pwesto bago mag-umpisa ang campaign period sa halalan. Ang kanilang kapalit ay magmumula sa mga kagawad ng Konseho Sentral o sinumang hihirangin ng Konseho Sentral mula sa mga kasapi ng PLM.
Seksyon 3. Maaaring magpasya ang Pambansang Kongreso ng PLM na humirang ng kanyang standard-bearer sa pambansang halalan na labas sa namumunong liderato ng organisasyon. Ang standard-bearer na ito ay magkakaroon ng posisyong honorary (posisyong kumikilala sa merito ng indibidwal habang hindi gumagampan ng normal na mga tungkulin sa loob ng organisasyon).
Seksyon 4. Ang mga patatakbuhing kandidato sa pambansang antas ay pagpapasyahan ng Pambansang Kongreso o Ispesyal na Kombensyon ng Partido. Labas dito, ang mga kandidato sa pangdistrito, pangprobinsya, pangsyudad, pangmunisipalidad na antas, at maging mga kandidato ng party-list, ay pagpapasyahan ng Komiteng Tagapagpaganap ng PLM matapos ang masusing konsultasyon at diskusyon sa mga karampatang organo ng partido. Kung kinakailangan, ipatatawag ang mga ispesyal na kapulungan sa lokal para pagpasyahan ang mga lokal na kandidato.
Artikulo 8
Mga Kagawaran at Komite
Mga Kagawaran at Komite
Seksyon 1. Ang sumusunod ang mga pangunahing kagawaran at komite ng PLM:
(a) Kagawaran sa Organisasyon. Mangangasiwa sa mga balangay ng PLM at bubuo ng mga plano para sa pagpapalawak ng organisasyon.
(b) Kagawaran sa Edukasyon at Propaganda. Mangangasiwa sa gawaing edukasyon at propaganda, sa paglalabas ng pahayagan ng partido at pagpapatakbo ng iba pang proyektong pampropaganda, gaya ng radyo.
(c) Kagawaran sa Kampanya. Mangangasiwa sa gawaing kampanya ng partido, kabilang ang operasyon ng QRF at iba pa.
(d) Komite sa Parliamentaryong Gawain. Mangangasiwa sa gawaing elektoral at parliamentaryo ng partido. Pangunahing bubuuin ng mga kasaping nahalal sa parliamento at mga lokal na yunit ng gobyerno, kabilang ang mga nominees sa party-list.
(e) Komite sa Gawaing Internasyonal. Mangangasiwa sa gawaing internasyonal ng partido, sa pagbubuo at pagbubukas ng relasyon sa iba pang mga sosyalista at rebolusyonaryong partido sa labas ng bansa, at sa pagmumungkahi ng mga kinatawan ng partido sa mga internasyonal na komperensya at aktibidad.
(f) Komite sa Pananalapi. Mangangasiwa sa gawaing pananalapi ng partido. Magbubuo ng plano para sa pagkalap ng butaw, pledges, at iba pang proyekto sa pananalapi ng partido.
Artikulo 9
Prinsipyong Pang-organisasyon at Panuntunang Pandisiplina
Prinsipyong Pang-organisasyon at Panuntunang Pandisiplina
Seksyon 1. Ang demokratikong sentralismo ang prinsipyong pang-organisasyon na gagabay sa partido. Nilalaman nito ang mga sumusunod:
(a) Prinsipyo ng halalan, pananagutan, at pag-alis sa posisyon (recall) ng mga halal na pinuno sa pamamagitan ng mayoryang boto sa karampatang kongreso o asembleya na kinapapalooban ng tinatanggal na pinuno.
(b) Pagkilala sa mga kapasyahan ng mga kasaping lokal na organisasyon at awtonomiya nito sa sentro sa usapin ng mga lokal na kampanya at regular na paghahalal ng mga lokal na opisyal ng partido.
(c) Pagkilala sa karapatan sa pag-iral at kalayaan sa pagpapahayag ng minorya sa loob ng organisasyon.
a. Kalayaan sa pagpuna at pakikipagdebate sa panahong nagpapasya o gumagawa ng desisyon ang partido.
b. Pagkakaisa sa pagkilos pagkatapos na makapagpasya ang mayorya.
Artikulo 10
Pananalapi
Pananalapi
Seksyon 1. Ang pananalapi ng PLM ay magmumula sa buwanang butaw ng mga kasapi, donasyon, at mga proyektong pampinansya na ilulunsad ng partido.
Seksyon 2. Ang mga donasyon at kontribusyon ay tatanggapin ng PLM kung hindi makasasama sa integridad ng partido, mga namumunong kapulungan at kasapian, at di makaiimpluwensya sa mga programa, patakaran at mga proyekto ng PLM.
Seksyon 3. Obligasyon ng mga kasapi na suportahan ang lahat ng mga proyekto sa pagpapasulpot ng pinansya ng PLM, kasama ang pangangalap ng mga materyal na suporta.
Seksyon 4. Ang itinatakdang butaw ng indibidwal na kasapi ng PLM ay hindi bababa sa limang piso (P5) kada buwan.
Artikulo 11
Pag-amyenda ng Saligang Batas
Pag-amyenda ng Saligang Batas
Seksyon 1. Ang anumang amyenda ay maisasagawa lamang ng mayoryang delegado sa mga ilulunsad na regular o ispesyal na Pambansang Kongreso.
Artikulo 12
Pagpapatibay at Pagkakabisa
Pagpapatibay at Pagkakabisa
Seksyon 1. Ang Saligang Batas na ito ay magkakabisa matapos pagtibayin ng Pambansang Kongreso ngayong ika-30 ng Enero, 2009 sa lungsod ng Quezon.
No comments:
Post a Comment