Sunday, May 3, 2009

Pahayag ng BMP-PLM - Araw ni Bonifacio

Pahayag ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)
At Partido Lakas ng Masa (PLM) sa
Araw ni Bonifacio, Nobyembre 30, 2008

WAKASAN ANG KAHIRAPAN!
WAKASAN ANG PAGHAHARI NG IILAN!
ISULONG ANG SOSYALISMO!

Ngayong Nobyembre 30 ang dakilang araw ni Bonifacio, ang bayani ng uring manggagawa. Taun-taon ay ginugunita natin ito, subalit ang darating na Nobyembre 30 ay naiiba dahil:

(a) Pagkatapos ng 78 taon, nagaganap na muli ang pandaigdigang krisis ng kapitalismo na nagbabadyang tumungo sa depresyon na gaya noong 1930s. Ang sentro ng krisis ay ang sentro ng kapitalismo sa mundo, ang United States. Subalit sumaklaw na ito sa Europa, Japan, at lahat ng mauunlad na kapitalistang bayan. Sasabayan na rin ito ng napipintong paglagapak ng mga ekonomya ng Third World, gaya ng Pilipinas.

(b) Habang tumitindi ang krisis, nagbabangon ang ispirito ng sosyalismo sa maraming parte ng daigdig. Ang sentro nito ay nasa Latin Amerika, kung saan sunud-sunod na nakaupo sa pwesto ang mga manggagawa at maka-manggagawang lider ng gobyerno sa iba’t ibang bayan, gaya ng Venezuela, Bolivia, Uruguay, Paraguay, Nicaragua, at sa matagal na pahon, sa sosyalistang bayan ng Cuba.

Ang krisis ay tutungo sa Depresyon

Sa maagang panahon, ang resesyon na nagaganap ngayon ay tutungo sa matinding depresyon. Hindi na lamang ito katatangian ng pagsasara ng mga bangko at mga financial institutions, kundi ng mga pabrika at lahat ng industriya. Hindi na lamang ito magbubunga ng pagkalusaw ng mga salapi o stocks sa stockmarkets, kundi ng pagkalusaw ng natitirang trabaho ng mga manggagawa.

Magiging kasintindi ito ng Great Depression ng 1930s. Isang depresyon na lumaganap din sa buong mundo, at naging dahilan ng pag-akyat sa kapangyarihan ng mga pasistang gobyerno sa Germany, Italy at Japan. Binuksan nito ang kondisyon sa pagsambulat ng Second World War, kung saan nagkumahog ang mga pasistang bayan na paghati-hatian ang mundo at saklutin ang natitirang yaman ng daigdig.

Kung tatlong taon ang inabot noon (1930-1933) bago ganap na bumulusok ang kapitalismo sa daigdig, malamang na ngayon, magaganap ito sa mas maikling panahon. Ang malawakang resesyon ay tiyak na tutungo sa matinding depresyon sa 2010.

Epekto sa Pilipinas at mga senaryo

Sa Pilipinas, ang depresyon ay magbubunga ng pagsasara pa ng mga natitirang pabrika. Ang maiiwang nakatayo na lamang ay ang mga dambuhalang monopolyo. Matatanggal sa trabaho ang maraming OFWs at marami ang lilikas pabalik sa bansa.

Ang krisis sa ekonomiya ay sasabayan din ng krisis sa pulitika. Magiging mas mabangis ang away ng mga trapong nasa poder at ng mga nasa oposisyon dahil magkukumahog ang bawat isa na kopohin ang natitirang yaman ng bayan na nakatipon pa sa gobyerno.

Sa tindi ng krisis, malamang na hindi matuloy ang eleksyong 2010 sa Pilipinas. Tatlong senaryo ang maaaring maganap kung hindi matutuloy ang halalan:

(a) Una, gagamitin ni Gloria ang krisis para isulong ang kanyang ambisyon na manatili sa poder sa pamamagitan ng isang Cha-Cha.
(b) Ikalawa, maglulunsad ng kudeta ang iba pang mga trapo na gustong pumalit kay Gloria. Ngayon pa lang, nag-aabang na sa poder ang mga gaya nina Senador Ping Lacson at dating pangulong FVR.
(c) Ikatlo, mauunang tumindi ang ngitngit ng masa at maglulunsad sila ng panibagong pag-aalsa o Edsa na magbabagsak sa gobyerno ni Gloria.

Sa mga senaryong ito, ang ikatlo ang gusto nating mangyari. Kaya ngayon pa lang, dapat nating tiyakin na ang pag-aalsa ay hindi mauuwi na naman sa pakinabang ng mga bagong trapo, gaya nang nangyari noong Edsa 1 at Edsa 2.

Walang solusyon sa krisis ang kapitalismo

Ang krisis ay patunay lamang na bigo ang neo-liberal na “globalisasyon” – at ang mga patakaran nito ng liberalisasyon, privatization at deregulasyon – bilang paraan ng pagbuhay sa ekonomiya ng daigdig. Sa halip, isinadlak nito ang buong mundo sa isang matinding krisis.

Pero anuman ang gawin ng kapitalismo, ibasura man ang neo-liberalismo at ipatupad ang regulasyon, hindi mapatitigil ang pagbulusok ng ekonomiya gaya nang naganap noong Depresyon ng 1930s. Lahat ng solusyong ipatutupad ng mga kapitalistang bayan ay mananatiling pantapal lamang sa tunay na ugat ng krisis.

Ugat ng Krisis

Ang ugat ng krisis ay ang kasibaan ng kapitalismo sa tubo. Tubo na nagmumula sa pagpiga sa mga manggagawa sa anyo ng maliit na sweldo at mahabang oras ng trabaho. Tubo na mapapalaki lamang kung mananatiling mababa ang sweldo ng nagtatrabaho at marami ang walang empleyo.

Kaya ang krisis ay nagkakaanyo, hindi ng kasalatan, kundi ng sobrang produksyon ng mga produktong pang-konsumo. Sobrang produksyon dahil habang marami ang nalilikha ng mga pabrika, maliit ang kakayahan ng mga manggagawa na bilhin ang sarili nilang ginawa. Sobra-sobra ang pagkain, ang kasuotan, ang sasakyan, ang medisina, ang mga gusali at sangkap sa pagtatayo ng tirahan. Sapat-sapat para ipagkaloob ang pangangailangan ng bawat tao sa mundo. Pero hindi ito mapasakamay ng mga tao, dahil ito’y pag-aari ng mga kapitalista at ipamamahagi lamang kapalit ng pera at tubo.

Ang tanging solusyon: Sosyalismo

May solusyon sa krisis. Pero labas ito sa balangkas ng kapitalismo na lumilikha ng kalakal para lamang pagtubuan. Isang sistema na nakapundar sa pagmamay-ari ng iilan sa yaman ng lipunan.

Ang sosyalismo ay isang sistema na ang yaman ay ipamamahagi sa lahat ng mga tao, nang pantay-pantay. Isang sistema na gagawa ng kalakal, hindi para tumubo, kundi para tugunan ang pangangailangan ng tao. Isang sistema na lahat ay magkakaroon ng trabaho, hindi para pagsamantalahan ng kapitalista, kundi para mag-ambag ang bawat isa sa kaban ng yaman na paghahatian ng lahat.

Ito ang unti-unting ginagawa ngayon ng mga sosyalistang gobyerno sa Latin Amerika. Ang yaman ay ipinamumudmod sa mga proyektong nagbibigay ng trabaho, libreng edukasyon, libreng gamot at medisina, disenteng pabahay, at iba’t iba pa. Ito ang sistemang winawasak ang kapangyarihan ng mga trapo at mayayamang angkan, at inilalagay sa kapangyarihan ang masang mahihirap.

Nobyembre 30

Kaya ngayong Nobyembre 30, alalahanin natin na hindi pa tapos ang laban ni Bonifacio. Ang patuloy na pandarambong ng mga dayuhan at ng mga naghaharing uri na Pilipino ay sumisira sa ating kabuhayan at kinabukasan bilang bansa at bilang uri.

Kasabay nito, salubungin natin sa Nobyembre ang pagkakatayo ng bagong partido na magtitipon ng lakas ng masa (manggagawa at mga maralita sa lungsod at kanayunan) para ipagpatuloy ang laban ni Bonifacio. Ang sinaklot na rebolusyon nila Bonifacio ay isusulong natin hanggang maitayo ang tunay na republika sa ilalim ng uring manggagawa at mga anakpawis sa Pilipinas at sa buong mundo.

Wakasan ang Kapitalismo! Isulong ang Sosyalismo!
Ibagsak ang kapitalistang gobyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo!
Itayo ang Gobyerno ng Manggagawa at mga Anakpawis!


No comments:

Post a Comment