PLM: BAGONG PARTIDO NG ATING PANAHON:
PARTIDO NG PAGBABAGO!
PARTIDO NG SOSYALISMO!
PARTIDO NG PAGBABAGO!
PARTIDO NG SOSYALISMO!
1. Bakit kailangan ng masa ang isang partido?
Marami sa mga partidong politikal na nakatayo ngayon ay partido ng trapo. Tuwing halalan, lagi silang nangangako na itataguyod ang ating mga kapakanan. Pagkatapos ng halalan, lahat ng pangako ay nananatiling nakapako.
Ang mga partido ng trapo ang matagal nang komokontrol sa ating pulitika. Noon, walang ibang mapamimilian kundi Nacionalista o Liberal Party. Noong panahon ni Marcos, iisa lamang ang partido, ang KBL. Ngayon ito ay binubuo ng Kampi, Lakas-NUCD, LDP, PMP ni Erap, Nacionalista Party, at iba pa. Pero lahat ito ay wala namang pagkakaiba sa programa, at sa mga nagpapatakbo nito. Lahat ito ay itinayo para sa ambisyong pansarili ng mga trapo. Kung ito man ay may ipinaglalaban, ito ay para panatilihin ang paghahari ng mga kapitalista at ng mga asendero sa bansa.
Kaya habang ang mga partidong ito ay naghahalinhinan sa pwesto, nananatiling walang pagbabago ang buhay ng mga mahihirap. Ito’y dahil ang mga trapo ay walang interes na lutasin ang kahirapan, kaapihan at kawalan ng katarungan sa marami. Ang nais lamang ng mga partidong ito ay panatilihin ang kanilang paghahari, gamitin ang gobyerno para kumamkam ng ibayong yaman at ipagtanggol ang nakulimbat nilang yaman.
Ang paghahari ng mga trapo, ng mga kapitalista at asendero, ang dahilan kung bakit ang buong gobyerno at lahat ng ahensya nito ay bulok, kung bakit ang mga batas na nililikha ng Kongreso at Senado ay hindi nagsisilbi sa mahihirap at ginagamit pa laban sa mahihirap.
Kaya kung ang mga trapo, kung ang mga naghaharing uri ay may partido – kailangan ng masa ang sariling partido. Para ipagtanggol ang ating interes, kontrahin ang interes ng mga naghahari, at ibagsak ang paghahari ng mga trapo. Sa kalaunan, kailangan natin ang ating partido para itayo ang isang gobyerno at isang sistema na maglilingkod sa interes, hindi ng iilang mayayaman, kundi ng nakararaming masa.
2. Hindi pa ba sapat ang party-list na partido? Ano ang mga limitasyon nito?
Dahil sobra na ang monopolyo ng mga trapo at ng mga may-kaya sa gobyerno, ipinag-utos sa bagong Konstitusyon na ipatupad ang party-list system sa Kongreso para raw magkaroon ang mga marginalized na sektor (manggagawa, urban poor, kababaihan, kabataan, atbp.) ng mga kinatawan sa Kongreso.
Subalit kahit ang batas ng party-list ay maraming butas. Una, ang party-list ay makapagsasampa lamang ng kinatawan sa Kongreso (nakabababang sangay ng lehislatura).
Ikalawa, sa batas, 20% lamang ng bilang ng mga kongresista ang inilalaan para sa party-list (at ang 80% ay paras a mga Congressional districts na kontrolado ng mga trapo o political clans sa iba’t ibang panig ng bansa). Sa Kongreso na may 250 na kinatawan, ang 20% ay nangangahulugan lamang ng maksimum na 50 kinatawan.
Ikatlo, kahit ang 20% ay hindi naibibigay sa party-list dahil sa mahigpit na regulasyon ng Comelec. Sa naganap na mga halalan, masuwerte nang magkaroon ng higit 20 kinatawan ang party-list. Sa ngayon, ang party-list representatives ay bumibilang lang ng 21.
Ikaapat, ang party-list ngayon ay kinokontrol na rin ng gobyerno at ng mga trapo. Noong nakaraang eleksyon, nag-operasyon ang gobyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo para lalong pababain ang bilang ng mga progresibong party-list na nananalo. Pinarami ng gobyerno ang mga party-list na hawak nito sa bulsa. Sa 21 na party-list representatives ngayon, 6 lamang ang maituturing na nasa progresibong grupo na tunay na nakikipaglaban para sa interes ng mahihirap.
Bukod sa mga limitasyon na ito ng party-list, nababaluktot din ng sistemang ito ng party-list ang pulitika ng mga progresibong pwersa. Dahil isa lamang ang pwedeng ibotong party-list, nagiging paraan para makakuha ang party-list ng boto sa mga lokalidad ay ang tinatawag na “negotiated votes”. Ito’y mga boto na kinukuha sa negosasyon sa mga lokal na trapo. Noong nakaraang halalang 2004, ang negotiated votes ay lumiit nang husto dahil sa paghaplit ni GMA sa mga lokal na trapo na suportahan lamang ang mga party-lists na nasa pundya nito.
3. Bakit kailangang lumaban sa lokal at pambansang larangan?
Una, kung tunay na hinahangad natin ang pagbabagsak ng pulitikang trapo, krusyal na larangan ng labanan ang pag-uk-ok hanggang pagbabagsak sa paghahari ng mga trapo sa lokal na gobyerno, kung saan pinakamaganit ang kanilang paghahari.
Ikalawa, pinatunayan ng pagkapanalo sa halalan nina Among Ed sa Pampanga at Grace Padaca sa Isabela na maaaring ibagsak ang maganit na paghaharing trapo kung mapakikilos ang masa na sawang-sawa na sa kanila.
Ikatlo, ang lakas na mabubuo natin sa lokal na eleksyon ang mainam na paghahanda sa halalang nasyonal at presidensyal. Ganito ang naging paraan sa pagwawagi sa pambansang halalan ng mga sosyalista at progresibong partido sa Latin America.
Dahil dito, ang PLM ay hindi lamang lalahok bilang party-list, kundi sa pangunahin ay magpapatakbo ng mga kandidato sa lokal at iba’t ibang antas ng halalan.
4. Hanggang halalan lamang ba ang papasukin ng PLM?
Ang PLM ay hindi lamang isang organisasyong elektoral. O organisasyong nabubuhay lamang sa panahon ng halalan. Ang PLM ay kombinasyon ng kilusang masa at ng organisasyong elektoral.
Kinikilala ng PLM na ang eleksyon ang paraan na ginagamit ng mga maykapangyarihan para panatilihin ang mga trapo at mga kaalagad nito sa poder. Sa kabilang banda, naniniwala ang PLM na magagamit ang eleksyon bilang isang larangan ng pakikibaka, kung saan maaaring i-contest ng masa ang kapangyarihan ng mga trapo. Pero para ito’y maganap, ang partido ng masa ay kailangang lumahok sa halalan, hindi sa pamamagitan ng mga tradisyonal na paraan ng pangangampanya, kundi sa mga pamamaraan na nagpapakilos sa masa at nagtataas ng kanilang antas ng pakikibaka.
Dahil dito, kinikilala ng PLM ang halaga ng isang estratehiya na kinokombina ang pakikibaka ng masa sa elektoral na interbensyon. Ito’y isang estratehiya na nakapagpanalo ng maraming progresibo at sosyalistang partido sa maraming bayan sa Latin Amerika ngayon.
5. Bakit partido ng bagong panahon?
Ang PLM ang partido para sa bagong siglo, isang partido na kumakatawan sa aspirasyon ng masa na wakasan ang kahirapan at krisis na dulot ng ‘globalisasyon’.
Ang partidong ito ay nakatutok sa paglalansag ng mga neoliberal na patakaran ng kasalukuyang gobyerno, at paglalansag ng graft and corruption na naging talamak na sa buong antas ng gobyerno dahil sa walang patlang na paghahari ng mga trapo at ng kanilang mga angkan.
Partido rin ito ng bagong panahon dahil ginagamit ng PLM ang mabisang kombinasyon ng pakikibakang masa at paglahok sa eleksyon para wakasan ang political stalemate (kung saan malakas ang kilusang masa, pero malakas pa rin ang naghaharing uri na nakakapit sa estado poder). Sa kombinasyon ng dalawa, kayang ibagsak ang paghahari sa gobyerno ng mga trapo. At kapag nagawa ito, kayang gamitin ang gobyerno para ituloy-tuloy ang ganap na pagbabago ng lipunan.
6. Bakit partido ng pagbabago?
Lahat ng trapong partido ay naging tagapagtaguyod lamang ng umiiral na sistema (status quo). Ang PLM ay naninindigan na kailangan ang pagbabago sa lahat ng antas ng gobyerno. Hindi malulutas ang suliranin ng lipunan hanggang nananatili ang bulok na gobyerno (at lahat ng ahensya nito) na pinatatakbo ng mga trapo.
Ang partido ay kumakatawan sa tunay na mga pagbabagong hinahangad ng bawat anakpawis. Ang programa nito ay bubuuin sa pamamagitan ng pagkuha sa mga aspirasyong hinahangad ng masa.
7. Bakit partido ng sosyalismo?
Naniniwala ang PLM na ang kapitalismo ay isang bulok na sistema na dapat lamang palitan ng sistema ng sosyalismo. Ang kapitalismo ay isang sistema na nakapundar sa tubo at paghahangad ng kapitalista ng limpak-limpak na tubo, nakapundar sa pag-aari ng iilan sa kasangkapan para sa paglikha ng yaman at ng lahat ng yamang nalilikha nito, nakapundar sa pagkakahati-hati sa tao sa mga uri (mayaman at mahirap, may pag-aari o wala).
Ang sosyalismo ang kabaligtaran nito. Isang sistema na nakapundar sa pagtugon sa lahat ng pangangailangan ng tao, sa pag-aari ng lahat ng lahat ng kasangkapan sa paglikha ng yaman at ng yamang nalilikha nito, at ang pagbabaklas sa anumang pag-uuri sa mga tao na nagnanakaw ng kanilang dignidad at seguridad sa lipunan.
Ang sosyalismo rin ang kumakatawan sa internasyonalismo, sa tunay na pakikipagkapatiran ng mga manggagawa at anakpawis sa mga manggagawa at anakpawis ng buong mundo. Binabaklas nito ang sistema ng pagkakanya-kanya o pag-iisip lamang ng mga tao sa batayan ng sariling interes, sariling grupo, o sariling bayan. Ang sosyalismo ay pagsasama-sama ng lahat para itayo ang makatarungan at masaganang kaayusan na wawakas sa imperyalista, kapitalista at lahat ng anyo ng pagsasamantala at pang-aalipin sa daigdig.
8. Kaya bang manalo ng ating partido, at paano ito maipapanalo?
Kung mag-iisip lamang tayo ng sariling interes kahit bilang isang grupo, hindi maipapanalo ang PLM. Kung tuwing eleksyon ay magpapagamit lamang tayo sa mga trapo at susuportahan ang kanilang mga ambisyon, hindi mananalo ang PLM.
Pero kung tayo ay magkakaisa at lalaban, walang panama ang tatlong “Gs” ng mga trapo (guns, goons and gold), at kahit dagdagan pa ito ng isang “G” (Gloria Macapagal-Arroyo). Gaya nang pinatunayan sa panalo ni Among Ed sa Pampanga kahit ang kalaban nito ay may 4 na “Gs” gaya nang nabanggit (mga gambling lord din na suportado ni GMA), nagawa ng masang PampangueƱo na ibagsak ang mga trapo at ipanalo si Among Ed. Ganito rin halos ang nangyari sa pagpapabagsak ni Grace Padaca sa trapong angkan sa Isabela.
Ang agimat natin ay nasa lakas ng masa, sa pakikibaka ng masa. Sa Latin Amerika, maraming bansa ang nanalo ang mga sosyalistang presidente dahil kumilos ang masa, nangampanya nang todo-todo, at nagbantay sa balota para tiyakin ang boto. Sa Venezuela, bukod sa lakas ng masa ay nakatulong ang pwersa ng mga rebeldeng sundalo na pinamumunuan ni Hugo Chavez para ipanalo si Chavez. Sa Venezuela at Bolivia, ang tunay na nagpanalo ay ang mga pag-aalsa ng masa na halos umagaw na ng gobyerno. Ito’y mga pag-aalsa na kinapos na maging isang rebolusyon, pero sa pamamagitan ng halalan ay tumibag sa political stalemate sa pagitan ng kilusang masa at bulok na kapitalistang gobyerno. Nakuha ang gobyerno poder at ginagamit ito ngayon para isulong ang hakbang-hakbang na rebolusyon na magbabago sa kapitalistang sistema tungong sosyalista.
9. Paano oorganisahin ang partido?
Ang lahat ng organisasyong masa at mga indibidwal na naninindigan sa pagtatayo ng bagong partido ang bubuo ng unang hanay nito at magpaplano para sa hakbang-hakbang na pagtatayo ng partido.
Bubuuin ang partido pangunahin sa antas munisipyo at mga lokalidad. Gagawin ito sa pamamagitan ng mga malalaking assembly o working people’s summit na ipatatawag sa mga lokalidad. Magsisilbing panimulang pwersa ang mga pangmasang organisasyon (o lokal na kinatawan nila) na dapat kumatok at humikayat sa iba’t ibang samahan ng masa, sa mga bagong pwersa at sa mga indibidwal na lider sa lokalidad para lumahok sa mga summit.
Ang summit o ang assembly ang tatayong chapter ng partido. Dapat itong magbuo ng konseho na aaktong liderato ng local chapter (munisipal o erya). Ang chapter, sa pamumuno ng konseho, ang tatayong sentrong pampulitika na siyang mangangasiwa at mamumuno sa mga kampanya at pakikibakang masa sa lokal.
Kung hindi pa maitatayo ang mga teritoryal na chapter (munisipyo at erya), maaaring magtayo ng chapter sa mga pagawaan. Mas mainam kung magsasama-sama sa isang chapter ang magkakalapit na mga pagawaan. Ang konseho ng pabrika ang magiging sentro ng liderato ng partido sa pagawaan.
Magtatayo rin ang partido ng mga chapter sa mga kolehiyo, unibersidad at sa iba pang mga paaralan. Ang chapter, sa pamumuno ng konseho, ang tatayong pampulitikang sentro sa kampus. Ito ang mangangasiwa at mamumuno sa mga kampanya at pakikibaka sa loob ng kampus.
10. Anu-ano ang tungkulin ng mga itatayong chapter ng partido?
Tungkulin ng mga chapter ang sumusunod:
(a) Pag-oorganisa at pagpapakilos ng masa sa lokal na antas
(b) Rekrutment ng mga bagong pwersa
(c) Paglulunsad ng mga kampanya
(d) Paglulunsad ng ahitasyon at propaganda
(e) Pakikipag-alyansa sa iba pang pwersang labas sa partido
(f) Kampanya at interbensyon sa eleksyong lokal at nasyonal.
11. Paano ang ibang mga grupo na labas sa trapo, makikipag-alyansa ba sa kanila ang PLM at anu-ano ang mga batayan ng alyansa?
Una, hihikayatin ng PLM ang lahat ng mga independyenteng organisasyon ng masa (mga organisasyong hindi kontrolado ng mga trapo) na umanib na sa PLM. Kung hindi pa maaari ito, gagawa ng mga pakikipag-alyansa sa kanila sa iba’t ibang antas at erya.
Ikalawa, bibigyan din ng espesyal na diin ng PLM ang pagbubuo sa mga espesyal na sektor na matagal nang lumalaban at naghahangad ng pagbabago sa bulok na sistema natin ngayon. Isa rito ang grupo ng mga rebeldeng sundalo na natitipon sa Magdalo o mga pormasyong tulad nito. Kahanga-hanga ang kanilang paninindigan sa paglaban sa bulok na gobyerno ni GMA, at maraming bahagi ng plataporma ng PLM ay pinapanigan ng kanilang grupo.
Kasama rin sa espesyal na sektor ang Bangsa Moro sa pangunguna ng kanilang mga organisasyon na lumalaban sa bulok na rehimeng Gloria.
Bukod sa mga ito, bubuuin din ng PLM ang alyansa sa mga pwersa ng panggitnang uri na naghahangad na magkaroon ng reporma sa ating lipunan.
12. Anu-ano ang nilalaman ng plataporma sa gobyerno ng PLM?
Ang isinusulong ng PLM ay isang transisyonal na programa na kumakatawan sa paglalansag ng bulok na kapitalistang sistema at ang pagpapalit dito ng sosyalismo.
Ang plataporma ay pangunahing binubuo ng mga kagyat na pang-ekonomiya at pampulitikang reporma. Kabilang dito ang:
(a) Pagsasabansa ng mga batayang industriya at serbisyo, gaya ng koryente, langis at tubig
(b) Pagkakaloob ng batayang pangangailangan ng masa, gaya ng lupa, disenteng tirahan, edukasyon, trabaho, at pangangalaga sa kalusugan
(c) Isang malinis at sustainable na environment
(d) Pagtatayo ng isang tunay na gobyerno ng masa.
No comments:
Post a Comment